Sunday, March 20, 2011

MiIlitar, kaakibat sa “pag-lingap” sa barangay ni Constantino




NINONG si Heneral – Masayang nakamasid sina (Ninong) Brig. Gen. Rainer Cruz, 1002nd Brigade commander at Mayor Reynaldo F. Constantino sa paghahalikan ng isa sa mga parehang ikinasal ng alkalde sa gitna ng isinagawang “Lingap sa Barangay” sa isang liblib na pook na dati’y tinaguriang “pugad ng mga bandido” sa bayan ng Malungon, Sarangani. (JoJo Gocotano-MALUNGON INFORMATION OFFICE/ Ippalma).  
 
MALUNGON, Sarangani - Hindi matinding takot kundi labis na katuwaan na ang nararamdaman ngayon ng mga taong minsa’y ni ayaw nang makakita ng mga di-unipormadong tauhan ng pamahalaan sa mga liblib na pook ng bayan ng Malungon, Sarangani. 
 
Dahil sa patuloy na magandang pakikitungo’t pakikipag-kapwa ng militar sa ilalim ng liderato ni Brig. Gen. Rainer Cruz, 1002nd Army Brigade commander ay unti-unti nang nababago ng kasalukuyang liderato ng AFP ang noo’y kinatatkutang  pagmamalabis ng mga nasa-gobyerno lalo na noong dekada 70, kung saan naging napakahigpit ng rehimeng Marcos  sa isinasagawang militarisasyon dahil sa dektadorang pamamaraan ng Martial Law.
 
Nitong nagdaang mga araw ay unti-unti na ring napagtanto ng tribong B’laan at Taga-Kaulo, na ang presinsiya ng mga sundalo sa kabukiran ay hindi para maghasik ng takot sa buhay ng mga maliliit na mamamayan, kundi para sila ay mapangalagaan laban sa lahat ng uri ng mga kreminal na patuloy na umiikot para humanap ng kanilang mabibiktima sa kabukiran.   
Sa isinagawang linggohang “Lingap sa Barangay” ni Mayor Reynaldo F. Constantino sa Bo. B’laan kamakailan lang ay muli na namang pinatunayan ng 1002nd Army Brigade ang kadakilaan ng kanilang layunin sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga bigas at iba pang mga pang-araw-araw na kakailanganin ng mga maliliit na mga mamamayan.
 
Ayon kay Mayor Constantino, ang programang “Lingap” ay isinasagawa ng kanyang administrasyon para maipabatid sa lahat na abot-kamay na lamang ngayon, maging nang ya’ong mga naninirahan sa kabundokan, ang pagmamahal at pagkalinga ng pamahalaan. 
 
“Siguro indi ko man mahatag ang tanan ninyo nga mga kinahanglanon pero dako ang akon pagsalig nga pinaagi sa mga bulong kag lain-lain nga serbisyo publiko nga dala sang akon administrasyon, mahimo nga makabulig man ini sang tuman sa akon nga mga katawhan nga naga-puyo diri sa mga matag-as nga lugar sang Malungon,” ani Constantino.
 
Sa kanyang maiksing mensahe ay sinabi din ni Cruz na malayo na ang pagkakaiba ng militar ngayon kung ikukumpara ito sa mga nagdaang dekada.
 
“Nakikita’t nararamdaman naman ng lahat ang malaking kaibahan ng AFP ngayon. Kaya’t sana’y magkaisa tayong lahat para sa pagsulong ng kapayapaan para mabigyan natin nga wastong daan ang pagdaloy ng iba’t-ibang proyekto ng ating pamahalaan,  sa hangarin nitong mabago at umangat ang katayuan sa buhay ng bawat mamamayang Pilipino,” ani Cruz. (Isagani P. Palma/MIO-Malungon).

No comments:

Post a Comment