Monday, April 18, 2011

Tamang preserbasyon ng kapaligiran, ipinatupad sa Brgy. Kawayan



“Lingap” sa Kawayan – Si MHD Dra. Jean Galay (kanan) habang abala sa pagbubunot ng ngipin ng mga kabataan sa isinagawang “Lingap sa Barangay” noong araw ng Huwebes ni Mayor Reynaldo F. Constantino sa Brgy. Kawayan, Malungon, Sarangani. (JoJo Gocotano-MALUNGON INFORMATION OFFICE/ ippalma).   
 
MALUNGON, Sarangani – MAHIGPIT na ipinapatupad ngayon ng lokal na pamahalaan ang tamang segregasyon at pagtapon ng basura sa buong bayan bilang isang epektibong pamamaraan ng maayos na pamumuhay sa pamamagitan ng isang malinis at malayo sa sakit na kapaligiran.

Sa pangalawang “Lingap sa Barangay” program ng LGU para sa kasalukuyang taon ay muling nagbigay ng kautusan si Mayor Reynaldo F. Constantino sa mga tauhan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) para ipaabot sa mga mamamayan at opisyales ng Brgy. Kawayan, Malungon North District ang mga tamang pamamaraan sa pag-implimenta ng “appropriate discharge and segregation of solid waste,” kasabay sa pagpaalala ng mga pangunahing alituntunin sa pag-protekta ng kalikasan.

Matatandaang kamakailan lang ay mismong si Constantino ang nagbigay ng derektiba sa MENRO para mapabilis ang paglipat ng dating dumping site o tambakan ng basura na nakahimlay malapit sa motor pool area ng Brgy. Poblacion patungong  Sitio Nanima, para umano mailayo ang mga mamamayan sa “sakit” na sanhi ng maruming kapaligiran.

“Nakahibalo man gid ang tanan nga ang numero uno nga ginahalinan sang lain-lain nga mga sakit amo ang mahigko nga palibot, panginawi kag kapabayaan sa paglimpyo sang aton kaugalingon nga ugsaran. Gani sayang lang ang aton ginagahin nga dako nga pondo para sa aton medical care kung pabay-an ta ini nga sestima,” ani Constantino na laging namumuno sa pag-akyat ng LGU sa mga kabukiran para personal na makita nito ang totoong kalagayan ng mga mamamayan.

Kaugnay nito ay nagbigay din ng mahigpit na kautusan si Constantino kay MENRO Bert Allaga laban sa iligal na pamumutol ng kahoy at maling sestima ng pagtatanim (kaingin system) sa kagubatan.

Ayon naman kay Allaga ay gumagawa ng iba’t-ibang hakbang ang kanyang pamunuan para matugunan ang mga direktibang ipinalabas ng lokal na pamahalaan.   

Kasama sa isinagawang “Lingap” ay ang pagbibigay ng Muncipal Health Office (MHO) ng libreng kunsultasyon at gamot sa mga may-sakit lakip na ang circumcision (tuli) at pagbunot ng ngipin.

Sa naturang pagtitipon ay masaya ring ipina-abot ng alkalde ang umano’y nalalapit na tulong para sa ibayong kalakasan ng edukasyon sa pamamagitan ng pagpapatayo ng Departamento ng Edukasyon ng karagdagang 10 elementary at secondary schools sa nasabing bayan. (MIO-Malungon/ ippalma).

No comments:

Post a Comment