Thursday, April 7, 2011

Malungon-LGU, nagpahayag ng suporta kay Col. Miranda

LGU-AFP partnership – MAKIKITA sa larawan sina (L) Mayor Reynaldo F. Constantino at matalik nitong kaibigan na si Col. Gloriouso Miranda ilang araw bago nanumpa sa tungkulin ang huli bilang bagong Army commander in chief ng 2002nd Philippine Army Brigade na nakabase sa Malungon, Sarangani. Kasama nina Constantino at Miranda sa Constantino Cock Farm ng Brgy. Nagpan ay sina (L-R) Vice Mayor Benjamin Guilley at Municipal Councilors Cesar Nallos, Joseph Calanao, Jessie dela Cruz at Armand Guili. (JoJo Gocotano-MALUNGON INFORMATION OFFICE/ ippalma).
----------------------------------------------------------------------------------------------


MALUNGON, Sarangani - WALANG pagkukunyaming nagdeklara ng mahigpit na suporta ang lokal na pamahalaan ng naturang bayan sa liderato ng bagong hirang na 1002nd Army Brigade Commander kasunod ng isinagawang formal turn-over of command noong araw ng Martes nina Brig. General Rainer Cruz at incoming brigade commander, Col. Glorious Miranda sa Camp Brig. Gen. Hermenegildo  Agaab, Malungon, Sarangani. 

Ayon kay Vice Mayor Benjamin Guilley ay isang malaking karangalan para sa mga opisyales ng bayan ang magkaroon ng isang malapit na kaibigan na pinuno ng militar, lalo na’t sa kahalintulad na bayan ng Malungon na minsa’y naging sentro din ng kaguluhang na dala ng mga bandido’t armadong grupo na dati’y namumugad sa ilang matataas na bahagi ng kabundokan nito.

 “Datapwat napakagaling din na pinuno ni Brig. Gen. Cruz ay naging mapalad pa rin tayo dahil sa ang pumalit dito ay kilalang matino at prinsipyadong pinuno ng ating armed forces,” ani Guilley.

Napag-alaman din na naging matagal nang magkaibigan sina Constantino at Miranda bago pa man ito naging pinuno ng Army 25th infantry battalion na nakabase noong taong 2000 sa Sta. Cruz, Davao Del Sur at Gensan JTF Commander sa katabing lungsod ng Heneral Santos.
 
Sa kabilang dako naman ay  kinilala din ni Cruz sa kanyang pamamaalam ang naging aktibong pagsuporta ng Malungon-LGU bilang tumatayong host town ng 1002nd AFP Brigade, sa ilalim ng kanyang liderato.

Ayon kay Constantino ay hindi kailanman magbabago ang suportang binibigay ng kayang administrasyon sa militar dahil sa malaking tulong at sakripisyong idinulot nito para sa implimentasyon ng tahimik na pamumuhay sa kanyang bayan.

 “Wala akong nakitang dahilan para hindi ko suportahan ang ating mga kasundalohan dahil sa patuloy na ipinapakita nilang propesyonalismo at aktibong pagdinig sa anomang oras na sila’y kailangan. Kaya’t asahan po ng lahat na magpapatuloy ang mahigpit na pagtutulongan sa gitna nga ating AFP at ng LGU dito sa ating bayan, ‘di lamang dahil sa magkaibigan kami ng kanilang pinuno, kundi higit sa lahat ay dahil na rin sa ipinapakitang ihimplo’t kabutihan ng buong hukbo,” ani Constantino. (With reports from MALUNGON INFORMATION OFFICE).

No comments:

Post a Comment