MALUNGON, Sarangani – NAKAKASILAW man ang sinag ni haring araw ay pilit na inaaninag pa rin ng libo-libong tagahanga ang itinuturong ‘Philippines 15-time motocross champion’ na si Glenn Agular habang pumapaimbulok ito sa Baghdad Race Track para manguna sa isinagawang ‘Battle of Yelling machines’ sa bayan ng Malungon, Sarangani Provice.
Sa malayong agwat ay muling ipinakita ni Aguilar ang kahusayan nito sa motocross sa gitna ng matinding sigawan na nagmumula sa mga manunuod ng isinagawang 5 araw na selebrasyon ng ika-45 na taong pagkatatag ng bayan, noong Hulyo 11-15 nitong taon.
“Talagang iba si Aguilar na isip mo’y walang puso’t kinatatakutan pagdating sa motorsiklo,” ang mahinang kumento ng isa sa mga nag-cover na manunulat sa naturang exhibition race, habang nakatingin ito sa mga nakapaligid na nahihiyawang tao.
Ayon sa Bise Mayor ng naturang bayan na si Erwin Asgapo ay maaring maging taonan nang kaganapan ang motocross race exhibition sa hangarin ng lokal na pamahalaan na lalong mabigyan ng sapat na kasiyahan ang mga taongbayan tuwing sasapit ang nasabing okasyon.
“Kaya nga malaki rin ang pasasalamat natin sa ating butihing alkalde na si Mayor Bongbong Constantino dahil sa patuloy na pagsuporta nito sa karera ng bayan,’ ani Asgapo na siyang tumatayo na chairperson ng paligsahan.
Matatandaan na isa ring umaatikabo na bakbakan ng mga dirt riders na nilahukan ng mga piling motorista ng nasyon ang isinagawa noong nakaraang taon sa naturang race track kung saan, tinaguriang overall champion si Ted Conde ng Ozamiz City. Naging 1st runner-up naman sa naturang kompetisyon si Joven Lagrada ng Agusan, na sinundan nina Donard Yuzon ng Iloilo, Winsor Famorca ng Guimaras, at Jessie Pineda ng Tagum City. (MALUNGON INFORMATION OFFICE/ ippalma).
No comments:
Post a Comment