--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
MALUNGON, Sarangani Province – TINATANTIYANG aabot sa P1.2M na halaga ng mga bahay at ariarian ang mabilis na tinupok ng apoy kahapon (July 23, 2013) ng madaling araw dito sa naturang bayan.
Ayon kay BFP Fire Marshall, Insp. Jonathan A. Gazo ay anim na mga kabahayan na karamihan ay gawa sa light materials ang tuluyang nasunog, samantalang isa naman ang naiulat na nagtamo ng 2nd degree burns sa kaliwang braso, dahil sa naturang insidente na nagsimula mga alas 3:00 ng madaling araw, at tuluyang naidiklarang “fire out’ mga bandang - 3:45 am.
“Sa kasalukuyan kasi ay di pa natin masasabi kung ano talaga ang sanhi ng mabilis na pagliyab, lakip na ang wastong halaga ng mga natupok na ari-arian dahil sa patuloy na isinasagawang imbistigasyon,” ani Gazo.
Gayon pa man ay sinabi ng itinuturong nakasaksi na si Ronald Antipolo, na maaring ‘short circuit’ ang naging dahilan ng trahedya dahil sa nakita nito na biglaang pagliyab ng kawad ng kuryente.
Kinilala naman ni Gazo ang naging biktima ng bahagyang pagkasunog sa braso na si Philip Cardona.
Sa isinagawang pakikipag-usap sa mga residente at ilang pamilya ng mga biktima ay sinabi ng mga ito na wala naman sila umanong nakikita na dahilan para punahin ang local na tangapan ng BFP na nakahimpil may 700 na metro lamang ang layo mula sa pinagyarihan ng insidente, dahil sa mabilis nitong pag-responde.
Ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan na unang dumalo sa naturang trahedya ay sina Mayor Bong Constantino, dating bise mayor-turned muncipal councilor Benjamin Guilley at ang local police station chief na si P/Chief Insp. Lorobe Rojo.
Kinilala ni Gazo ang mga may-ari ng mga nasunog na bahay na sina Amy Paler, Roy Cadorna, Arlo Liray, Sheba Libre, Julieta Guili at isang nagangalang, Jaime. (Isagani Palma – MALUNGON INFORMATION OFFICE).
No comments:
Post a Comment