MALUNGON, Sarangani – PATULOY na tumataas ang bilang ng mga nagpaparehistro sa Commission on Elections mula ng magsimula ang sampung (10) araw (Hulyo 22-31, 2013) na palugit ng naturang tangapan noong araw ng Lunes, kaugnay sa nakatakdang pilian ng Sangguniang Kabataan at Barangay sa darating na buwan ng Oktobre nitong taon.
Ayon kay Municipal Comelec Officer Teresita M. Galindez ay wala umanong tigil ang pagdaloy ng mga nagnanais makaboto mula sa 31 barangays ng naturang bayan dahil sa naging babala ng Komisyon, na wala na umano itong ibibigay na ‘extension’ sa pagrehistro matapos ang mga itinakdang araw nito.
“Maliban kasi sa mga bagong botante para sa SK at barangay elections ay kinakailangan din namin na maisaayos ang talaan ng mga dating rehestrado na ngayo’y nagnanais bomoto, na nawala (deactivated) sa listahan ng kani-kanilang mga presinto dahil sa hindi paghalal sa loob ng matagal na panahon,” ani Galindez.
Sinabi din nito na sa kasalukuyan ay inaasahan ng nakakataas na tangapan ng Comelec ang pagrehistro ng may 740, 000 katao sa buong bansa para sa barangay elections, samantalang tinatantiya naman na aabot sa may 2-milyon na mga kabataan na mula sa 15-17 taong gulang ang lalahok sa halalan ng Sangguniang Kabataan.
Nilinaw din ni Comelec Spokesperson James Jimenez na wala umanong bayad ang ginagawang registration at updating ng mga personal information ng mga botanate sa kahit saan mang tangapan ng Komisyon sa buong kapuluan. (Isagani Palma – MALUNGON INFORMATION OFFICE).
No comments:
Post a Comment