MALUNGON, Sarangani - AABOT sa may 1, 500 na m’yembro, lakip na ang may 500 na mga lederes mula sa 30 na iba’t-ibang simbahan ang nakibahagi sa isinagawang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong opisyales ng Malungon Ministerial Fellowship (MMF) noong araw ng B’yernes (January 25, 2012) sa bayan ng Malungon, Sarangani Province.
Ayon kay Sarangani Rep. Manny Pacquiao na siyang tumayo bilang inducting officer sa naturang okasyon ay bihira lamang umano mangyari ang ganitong uri ng kongregasyon na kung saan ay aktibong nagsasama-sama ang halos lahat ng uri ng relihiyon.
“Ang nakikita po natin ngayon ay isang uri ng samahan ng mga tagapagsalita ng ating Panginoon na minsan lamang natin nasasaksihan. Kaya ikinagagalak ko po na makita ang ganitong uri ng pagkakaisa lalo na sa mga pastor na nagmula sa iba't ibang sektor ng pananampalataya,” ang turan ng nasabing Kongresista na sa kasaluyan ay kilala na rin sa buong mundo ‘di lamang bilang world boxing icon, kundi maging tagapagsalita na rin ng Maylikha.
Sa pagpunta ni Pacquiao sa Malungon ay kasama nito ang kabiyak na si Jinkee na tatakbo bilang bise gubernadora ng lalawigan, ilang malalapit na kamaganak at ang sports reporter ng ABS-CBN na si Dyan Castillejo.
Ang mga kasapi ng MMF na nagsipaglahok sa naturang pagtitipon ay mula sa relihiyong Romano Katoliko, Iglesia ni Kristo, evangelical Christian Outreach Foundation Inc., Southern Baptist Church, Alliance Church, Assembly of God, Int’l One Way Outreach Foundation Inc., Evangelical Church of God, United Pentecostal Church, Lutheran Church, Convention Baptist, Foursquare Church, Temple of God, Church of Christ, UCCP, Evangelical Bible Church, Seventh Day Adventist, Victory Chapel, Philippine Missionary Association, Jesus Christ Hope of the World, Hard Rock Ministries, Rhema Church, Church of God of the Prophecy, Apostolic Church, World Disciple Mission, Jehovah’s Witnesses, Dating Daan, Universal Church, at ng Aglipay.
Ayon kay Mayor Reynaldo ‘Bong’ Constantino, sa temang “Lead like Jesus” ay umaasa din ito ng mas mahigpit na pagkakaisa ng mga lideres ng simbahan na nasa ilalim ng samahang MMF.
“Bisan indi gid man naton maperpekto, mahimo man naton bilang mga lideres nga makaserbisyo kita sang tuod-tuod sa aton nga mga isigkatawo, regardless of our faith and religion, pareho sang ginahimo nga pagpalanga sa aton tanan sang aton mahal nga Hesukristo,” ani Constantino.
Sa isinagawang turnover ay maingat na iniabot ni outgoing president Rev. George Gevero ang susi ng responsibilidad bilang bagong presidente ng MMF kay Pastor Felipe Sugabo ng samahang ECOFI.
Samantala, bilang Honorary Chairperson ay ipinaabot din ni Gng. Roselyn Dadivas-Constantino na siyang maybahay ng alkalde, ang labis na pasasalamat nito sa lahat ng mga dumalo’t nakibahagi sa naturang pagtitipon. (Isagani Palma-MALUNGON INFORMATION OFFICE).
No comments:
Post a Comment