3 bayan, 2 barangay, magpapalabas ng libreng Pacman-Mosley fight ngayon!
Ni Isagani P. Palma
MALUNGON, Sarangani – Tatlong naglalakihang bayan sa Sarangani at dalawang barangay sa karatig na lungsod ng Heneral Santos ang nakatakdang magpalabas ng libreng live screening sa pinakahihintay na sagupaang Pacquiao-Mosley ngayong araw ng Lingo sa MGM Grand Arena, Las Vegas, Nevada.
Tulad ng dati ay inaasahan na naman ang sandaling “pagtigil” ng maging karahasan sa iba’t-ibang panig ng kapuluan sa muling pagkakaisa ng mga Pilipino para ipagdasal ang tagumpay ng iniidolong boksingero na si Sarangani Congressman at world’s eight (8) division champ Manny “Pacman” Pacquiao laban kay three-weight division at former WBA welterweight super champion, Sugar Shane Mosley.
Dahil alam na ng lahat ang labis na pagnanais ng bawat mamamayan na masilayan ang bawat pag-akyat sa ring at pakipaglaban ni Rep. Pacquiao para sa bayan ay agad namang inihanda ng mga kalapit na kaalyado sa pulitika at provincial government ng Sarangani ang pagpapalabas ng libreng live screening ng naturang laban sa bawat municipal gym ng bayan ng Malungon, Glan at maging sa loob mismo ng Capitol Compound ng naturang lalawigan na una nang ipinaalam sa madla ng gobernador ng Sarangani na si Gov. Miguel A. Dominguez.
“Kung minahal man ng labis si Cong. Paquiao ng sambayanan o maging ng buong mundo dahil sa pagiging mapakumbaba nito sa likod ng kanyang narating na katanyagan sa pabo-boksing ay ano pa kaya ang mga tao na direktamenteng naging bahagi ng kanyang mga ipinamahagi at itinulong sa bayan,” ani Malungon town Mayor Reynaldo “Bong” Constantino, na kilala bilang isa sa mga pinakamalapit na kaibigan ni Pacman sa naturang lalawigan.
Ayon kay Constantino ay walang mababago sa nakaugalian o tradisyonal na pagsalubong ng mga Sarangans sa kanilang kongresista sakali man na magkakaroon ng mga di inaasahang resulta sa laban nito sa Las Vegas dahil para sa kanila ay parating panalo si Pacquiao sa lahat nitong laban lalo na’t para ito sa ikabubuti ng bayan.
Sa mga naunang pakikipagpanayam sa mga mamamahayag ay sinabi ni Constantino na ‘di pa man naguumpisa ang laban ay nasa isip na ng mga opisyales ng bawat lokal na pamahalaan ang gagawing en-grande na pagsalubong kay “Pacman” sa pag uwi nito sa kanyang sarileng lalawigan, “kahit ano pa man ang maring kahihinatnan ng kanyang laban.”
Ayon sa ulat ay mismong si Gensan Mayor Darlene Antonino-Custodio na di umano’y isa ring masugid na tagahanga ni Pacquiao sa boksing, ang personal na nagpahanda ng Brgy. Lagao Gymnasium para sa isang libreng palabas, samantalang ang bunsong kapatid naman ni “Pacman” na si Brgy. Capt. Rogelio Pacquiao ang umsikaso para sa pagsa-ire ng Pacquiao-Mosley fight sa Brgy. Apopong nitong lungsod ng Heneral Santos.
No comments:
Post a Comment