Friday, June 28, 2013

1205th Arescom, ‘ipinalit’ sa CSU ng Malungon?


Army reservists deployment – MAKIKITA ang mga naka-unipormadong kawal ng 1205th ‘Class Matatag’ Army Reserve Command, 12th-CDC na ipinalit sa mga dating elemento ng Civil Security Unit kasunod sa pagpatupad ng lokal na pamahalaan ng fiscal management system sa bayan ng Malungon, Sarangani Province. Ang may 27 army reservists kasama ang ilang dating m’yembro ng CSU na pawang mga reservists din ay siya nang tatayo bilang mga bagong tagapangalaga ng mga empleyado, opisyales, at lahat ng mga tinataguriang propriedad at nasasakupan ng nasabing bahay pamahalaan. (JoJo Gocotano – MALUNGON INFORMATION OFFICE).

‘Greening’ operation – Ang 1205th AFP reservists sa pamumuno ni MSgt. Pableo Malansag ng 12th Community Defense Force habang nasa itaas ng isang ‘hanging bridge’ sa magubat na bahagi ng Brgy. Laurel, samantalang tinatahak ang daan pauwi mula sa isang tree planting activity na inilunsad kamakailan lang ng DENR,  kasama ang mga barangay officials, estudyante at tauhan ng lokal na pamahalaan sa Malungon, Sarangani Province. For more information, please visit malungon.blogspot.com (Isagani P. Palma – MALUNGON INFORMATION OFFICE).
-----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
MALUNGON, Sarangani – KASUNOD ng isinagawang pagbalasa ng lokal na pamahalaan sa mahigit tatlong daan na mga casuals at job orders ay ang pagpalit naman sa pwesto ng mga nakatalagang m’yembro ng Civil Security Unit (CSU) ng may 27 elemento ng Army Reserve Command dito sa naturang bayan.
    
Mula sa hanay ng 1205th ‘class matatag’ Arescom-12CDC ay maninilbihan ang mga reservists bilang kapalit ng mga civil security group na una nang nilansag  ng administrasyon sa hangaring makapagtipid ng pundo, kaugnay sa kasalukuyang ipinapatupad na bagong fiscal management program ni reelected Mayor Reynaldo ‘Bongbong’ Constantino.
    
Gayon pa man ay nilinaw ni SPO4 Porferio Dela Cuesta (ret), bagong itinalaga na hepe ng local security group, na makakatangap pa rin ng mga kaukulang honorariums mula sa LGU ang mga Army reservists na kung saan, iilan sa mga ito ay mga dating kasapi din ng CSU na nagawang makapagsanay sa isinagawang Arescom-CDC Special Basic Citizen Military Training (SBCMT) noong buwan ng Setyembre ng nakaraang taon.
    
Sinabi din ni Constantino na ang naturang paninilbihan ng Arescom para sa mga mamamayan ng Malungon ay may direktamenteng ugnayan kay Col. Pablo S. Liwan na siyang 12th Community Defense Center-Arescom executive officer at 12RCDG commander. Gayon pa man ay magsasagawa pa rin umano ng kaukulang koordinasyon ang LGU sa local command ng nasabing reserbadong hukbo na nakabase sa katabing lungsod ng Heneral Santos. (Isagani Palma – MALUNGON INFORMATION OFFICE).

No comments:

Post a Comment