Thursday, June 23, 2011

“Bandido,” pinalaya ng JOW?



Out FREED – Si Lito Landawe, isa sa pinaghihinalaang bandido na sumuko sa pamahalaan noong buwan ng Enero, habang nagmamano bilang pasasalamat at pagbigay-galang kay Mayor Reynaldo F. Constantino matapos ipawalang-sala ng hukuman at makalabas mula Baluntay Prison noong nakaraang lingo sa Alabel, Sarangani. (JoJo Gocotano-MALUNGON INFORMATION OFFICE/ ippalma).      

MALUNGON, Sarangani -  Pinawalang-sala ng hukuman ang ikalawa sa may 12 suspetsadong “bandido” na kusang nagbalik-loob sa pamahalaan, sa pamumuno nina Mayor Reynaldo “Bong” Constantino at dating 1002nd Army brigade commander,  Brig. Gen. Rainer Cruz sa Brgy. B’laan, Malungon, Sarangani.

Ayon kay Lito Landawe na itinuturong pumatay at tumangay ng kalabaw ng isang magsasaka sa Sitio Antique noong taong 2007, hindi ito nagkamali sa pagdinig ng pagtawag ng kapayapaan at rekonsilasyon ng lokal na pamahalaan, at maging sa pagbaba sa kabundokan para harapin ang mga akusasyon na ipinatong laban sa kanya dahil sa nakamtan nitong kalayaan.

Sinasabing matapos akusahan ng kasong pagpatay ay ninabuti ni Landawe na manatili na lamang sa kabundokan hangang sa mapabilang ito sa mga tinaguriang“tulagad o bandido” ng Malungon sa loob ng mahabang panahon.

Si Landawe ay isa sa 12 mga suspetsadong bandido, na bumaba’t nagbalik loob sa gobyerno matapos magbigay ng ultimatum si Constantino at AFP na hahabulin hangang sa pinakamataas na bahagi ng bayan ang ‘di magkukusang loob na sumuko sa mga maykapangyarihan.

“Daku gyud ang pasalamat namo kang m’yor sa iyang paghatag ug t’sansa sa amo nga makabalik ug panginabuhi ‘di sa kapatagan. Lipay pud kaayo ang akong pamilya kay sukad sa kadugayon sa panahon, makauban na nako sila sa Gaisano ug KCC mall bisag suroy-suroy lang,” ani Landawe, na masayang isinama ang kabiyak sa pakipagkita nito sa alkalde sa RFC Farm ng Brgy. Nagpan. 

Si Landawe ay kasunod na lumaya kay Uba Buan na isa rin sa mga itinuturong bandido at kapwa inakusahan sa salang pagnanakaw at pagpatay.

Ayon sa ulat ay kapwa pinawalang-sala ni Justice on Wheels (JOW) executive Judge Oscar Noel ang dalawang suspetsado dahil ayon pa, sa kakulangan ng ebidensiya, kusang “pag-atras ng kaso,” at kakulangan ng interes ng mga reklamante.

“Nagpapasalamat din ako dahil sa kusang-loob na pagbalik ng mga taong ito sa gobyerno dahil naging sanhi ito ng tuloy-tuloy na pananahimik ng aking nasasakupan. At least sa kanilang pagbaba sa kabundukan ay muling nagkaroon ng katahimikan ang mga maliliit na mga magsasaka na ang ilan dito’y  minsan na ring naging biktima ng karahasan,” ani Constantino.

Sa kanilang paglaya ay nakatangap ng kaukulang tulong pinansiyal mula sa pamahalaan sina Landawe at Buan, lakip ang matibay na pangako mula kay Constantino na susuportahan nito ang muling pagwawak na araro’t pagbungkal ng lupa ng mga ito para sa hangaring pagbabago. (Ippalma/ MIO-MALUNGON).

No comments:

Post a Comment