MALUNGON, Sarangani – Pormal nang nanumpa sa katungkulan bilang bagong m’yembro ng Sangguniang Barangay ang maybahay ng isang SB kagawad na walang-awang pinagbabaril ng mga di pa nakikilalang salarin sa loob mismo ng bahay nito sa Brgy. Nagpan, Malungon, Sarangani Province noong nakaraang buwan ng Disyembre, 2013.
Ayon kay MLGOO Mary Grace Demaala-Santarin ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal o DILG ay nanumpa sa katungkulan si Luz bilang papalit sa p’westo ni dating Nagpan SB member Raul Demagnaong, sa isang simple ngunit pormal na ‘oath-taking ceremony’ na binigyang-bisa ni Mayor Reynaldo F. Constantino sa harap ng mga malalapit na pamilya’t dating kasamahan sa trabaho ng namayapang kabiyak.
“Her (Luz) appointment was strongly endorsed by virtue of an SB resolution duly signed by the punong barangay and entire members of the Sanguniang Barangay of Nagpan,” ani Santarin, na isa rin sa mga nagbigay daan sa ginanap na panunumpa sa katungkulan ni Ms. Demagnaong.
Ayon sa ulat ay karga-karga umano ng pinaslang ang maliit na apo samantalang nagpapahangin ito sa may terasa ng bahay ng pasukin at paputukan sa malapitan ng di pa rin nakikilalang triggerman, samantalang nakaantabay naman umano ang ilang kasamahan ng salarin sa labas ng bahay ng biktima.
‘Himala namang nakaligtas ang bata, o sadyang ‘di ito pinatamaan ng salarin,’ ang ayon pa sa ilang kumento ng mga kamag-anak ng namayapang opisyal.
Samantala ay tiniyak naman ng pulisya ang isang masusing pagsisiyasat sa kaso, samantalang mas pinahigpitan din nito ang pagbabantay sa kapaligiran ng nasabing munisepyo. (Isagani Palma – MALUNGON INFORMATION OFFICE).
No comments:
Post a Comment