-----------------------------------------------------------------------------------------------------------------
MALUNGON, Sarangani – TINATANTIYA sa humigit-kumulang P2M ang halaga ng tinupok ng mga ipinagbabawal na tanim kahapon ng pinagsanib na pwersa ng lokal na pamahalaan, militar at pulisya sa ilalim na direktamenteng superbisyon ng Philippine Drug Enforcement Agency-12 sa Brgy. Malabod, Malungon, Sarangani.
Ang naturang operasyon ayon pa ay isa sa apat na pinakamalaking uprooting operations ng PDEA-12 at ng lokal na pamahalaan mula pa noong taong 2003, na kung saan aabot na sa mahigit P10M halaga ng marijuana ang naiulat na nawasak dahil sa walang humpay na kampanya ng gobyerno laban sa mga ipinagbabawal ng droga.
Sa isinagawang ceremonial burning ay sinabi ni PDEA-12 dir. Aileen T. Lovitos na ang may 450 fully grown marijuana leaves ay kasama sa unang tinupok na may 3, 500 na piraso ng mga pinagbabawal na tanim sa hanganang bahagi ng lalawigan ng Sarangani at Davao Del Sur.
“Talagang napakalayo ng pinagmulan nito dahil may tatlong araw din ang nilakad ng ating mga operatiba at support groups papuntang sitio Siman sa may hanganang bahagi na ng Brgy. Malabod at Davao Del Sur. Kayat nakapagdisisyon na lamang tayo matapos ang dokumentasyon, na sunogin na lamang doon ang malaking bahagi ng may 3, 450 na puno ng marijuana na nagkakahalaga ng di bababa sa P1, 380, 000.00 pag naibenta na ito ng mga pushers sa kabayanan,” ani Lovitos.
Kaugnay nito’y muling nagbigay ng mahigpit na babala si Mayor Reynaldo F. Constantino na di ito magdadalawang isip sa paghuli sa sinoman na malalaman nito na muling nagtatanim ng ipinagbabawal ng damo, kasabay ng kautusan na muling paigtingin ang kampanya laban sa marijuana sa pamamagitan ng muling pagamit ng malawakang pagbuhos ng herbicides sa lahat ng mga pinaghihinalaang pook na kung saan ayon pa’y medaling mabuhay ang naturang damo.
Sinabi naman ni Brgy. Capt. Toto Constantino na sa kasalukuyan ay wala na umanong naiulat na nagtatanim nito sa Malabod, maliban sa mga muling nabubuhay na buto ng marijuana na ayon pa’y nahuhulog sa lupa maging sa panahon ng pag-uproot nito.
“Actually ay talagang napakalayo na ng pinagmulan nito dahil wala na tayong makikitang marijuana ngayon lalo na sa mga dating taniman nito dito sa Mlabod,” dagdag pa ng punong barangay.
Matatandaan na unang humakot ng may P3M-halaga ng marijuana ang lokal na pamahalaan at PDEA-12 sa ilalim ng liderato ng namayapang si Col. Efren Alquizar noong taong 2003 nang ang kasalukuyang alkalde ay bise mayor pa lamang at siyang namumuno ng Task Force for Peace and Development of Malabod.
Ang sunod-sunod na operasyon ng PDEA-12 at local government ay nasundan hangang umabot sa may P6.5M marijuana plantations ang tuluyang nasira noong Agusto 2007, na sinundan noong February 2008 kung saan may P.8M na namang halaga nito mula sitio Talakobeng ang sinunog sa harap ng Malungon Municipal Hall.
“Nakahibalo ang tanan diri kong ano ko kakontra ining druga gani ginapanumdum ko lang sa inyo nga maghalong gid kamo sa akon kung madakpan ko kamo,” ang muling babala ni Constantino.
Ayon naman kay Sarangani Gov. Miguel Dominguez ay gnagawa umano ng provincial government ang lahat para mailagay sa mabuti ang Brgy. Malabod dahil sa nakita nitong mga pagbabago.
“Kung noon ay kinatatakutan ang Malabod, ngayon ay nakikita na natin ang unti-unting pag-angat nito maging sa larangan ng edukasyon, agrikultura at sa tuloy-tuloy na paglaganap ng katahimikan sa dati’y tinagurian na lugar ng mga bandido. Kaya’t asahan po na lahat ang patuloy na pagbuhos ng tulong mula sa ating pamahalaan para sa pagnanais nating katahimikan at masayang pamumuhay dito sa bayan,” ani Dominguez, kasabay ng pagpa-abot nito sa mga mamamayan ng ayon pa’y parating na may P7M proyekto para sa inprastaktura mula national government at nang mga karagdagang silid aralan para sa mga mag-aaral ng nasabing pook.
Kaugnay nito ay pinasalamatan din ni Lovitos ang administrasyon ni Constantino, kooperasyon ng Malabod Barangay Council sa pamumuno ni Brgy. Capt. Toto Constantino, local police force sa pamumuno ni P/Chief Insp. Alvin Martin, at military support groups sa pamumuno nina Army Lt. Jerry Palma ng 72nd Foxtrot Company, Army Lt. Nestor Valenzuela ng 73rd Infantry Battalion at Capt. Joel Wayagwag, commanding officer ng AFP-Task Force KITACO. (MALUNGON INFORMATION OFFICE).