Rampage – Si Mayor Reynaldo “Bong” Constantino (L) at nakakatandang kapatid na si Malabod Brgy. Capt. ToTo Constantino habang nagsasagawa ng ocular inspection sa mga naiulat na sinira ng tubig-baha noong araw ng Huwebes sa Kiblat Bridge, Malungon, Sarangani. (JoJo Gocotano-MALUNGON INFORMATION OFFICE/ ippalma).
______________________________________________________________
MALUNGON, Sarangani – Isa ang sugatan samantalang ilang kabahayan na rin ang iniulat na nasira dahil sa walang humpay na pag-araro ng malakas na tubig-baha’t pagguho ng lupa sa Barangay Malabod, Alkikan at Datal Batong ng naturang bayan.
Sa pinakahuling ulat mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ay sinasabing nasa mahigit-kumulang 30 pamilya na rin ang naging apektado ng tuloy-tuloy na pagbuhos ng malakas na ulan, samantalang isang bahay naman ang naiulat na nawasak matapos umanong bagsakan ng gumuguhong lupa sa Brgy. B’laan.
Sa pakikipagusap kay Datal Batong Brgy. Capt. Ricardo Garcillar ay sinabi nito na agad isinugod sa bahay pagamutan si Gng. Gonita Mango dahil sa mga natamo nitong sugat sa katawan, matapos sirain ng land slide ang kanilang tahanan mga alas 7:00 ng gabi noong araw ng Martes.
Ayon din kay Brgy. Capt. ToTo Constantino ng Brgy. Malabod ay may 15 pamilya rin ng mga magsasaka ang kasalukuyang nawalan ng madadaanan matapos matabunan ng gumuhong lupa ang daanan sa may Abnayao Creek, pababa sa kabayanan.
Kaugnay nito’y agad namang nagpalabas ng kautusan si Mayor Reytnaldo F. Constantino sa Municipal Engineering Office para sa madaliang pagpadala ng mga heavy equipments at sa pagkumpuni ng mga nasirang daan, tulay at river dikes sa mga naturang pook.
Agad ding pinalikas ni Constantino ang mga naninirahan sa tabing ilog para ayon pa’y makaiwas sa biglaang pagtaas ng tubig.
“Una sa tanan dapat ta gid nga siguruhon ang kinabuhi sang aton nga mga pumuluyo. Kag sa sini man nga panahon, diri natong mapakita ang aton nga unidad para sa kaayuhan kag siguridad sang tanan kag indi sang pipila lamang,” ani Constantino. (Isagani P. Palma/ MIO-Malungon).
No comments:
Post a Comment